JOURNey kasama sila.

Hindi ko alam kung ano talaga ang sasabihin ko. Wala akong ideya kung ano ba ang gusto kong iparating sa kanila. Pero grabe, sa sobrang tindi ng bliss na naramdaman ko nung mga huling araw bago mag-Christmas break, gusto ko lang may masabi kahit di ko alam kung yung sasabihin ko eh magmimistulang pandesal na puro hangin lang. Gusto ko kasi yung pasasalamat na ipababatid ko sa kanila eh parang yung pandesal sa paniderya sa amin. Dalawang piso ang isa, pero malaman; mainit, at may palaman. Yung tipong isang kagat pa lang nila, ramdam na nila yung sarap. Tapos dahil di naman nakakabitin, paghahati-hatian pa nila, pero sa bandang huli lahat sila nabusog… lahat sila masaya.

Nung mga unang araw at buwan ko pa lang sa kolehiyo, natatawa ako dun sa mga taong konting kibot, tampo. Konting sagutan, away kaagad. Akala ko nga nun nag-mature na ako kasi di ako naiinis nang matagal. Iritable at masungit lang ako nun pero hindi ako nagtatanim ng sama ng loob at di ako makaalala ng miski isang pagkakataon na nakaramdam ako ng galit, kahit sa mga pinakamalapit kong kaibigan. Pero unti-unti, nagbago ang pananaw ko sa aspetong yun. Hindi pala kasi yun ang sukatan ng pagiging “mature”. Kaya pala ganun ako dati kasi hindi pa ako “attached” sa kanila. Nasa trial stage pa lang ang pagkakaibigan. Kumbaga sa pagkain sa Lovelite, niluluto pa lang yung bacon. Di pa nakasalang ang footlong, o itlog. Tinatakal pa lang ni ate ang “java rice” nila. O siguro, nilalagyan pa lang ng food coloring. Basta nasa unang hakbang pa lang. Wala pang lalim, mahuna pa ang pundasyon.

Pagkatapos ng ilang buwan na kasama sila, yung mga tampong naramdaman ko, geared lang patungo sa mga malalapit sa akin. Si Mariz nga lang ang naaalala kong nakatampuhan ko nun. Kasalanan lang naman yun ng signal sa UST. Pero bukod dun, wala talaga. Nakasalang na yung footlong, pero kakalagay pa lang ni Ate. Medyo marami ding orders kaya di ko pa sure kung akin na ba yung niluluto nya.

Nung ikalawang taon ko, naging sobrang lapit ko na sa mga kabarkada ko. Dun na pumasok yung nagka-bestfriend akong maituturing (si Gel, syempre!) at nagkaroon ng malalim-lalim na tampuhan yung barkada namin. Nakasalang na yung itlog ng combo meal two ko, patapos na yung bacon at footlong e. Bagamat pakiramdam ko eh maswerte ako sa mga kaibigan ko, nakakulong ako sa barkadang yun + next to the closest, yung mare’s. Sobrang saya ko na nun kasi kahit may tampuhan, alam mong maswerte ka kasi totoo yung mga taong kasama mo. Jackpot na ngang maituturing para sa akin. Wala naman talagang sobrang intense na nangyari nun e. Bukod sa sandamukal na birthday surprises, debuts, at kung anu-ano pang okasyon. Pero nung taon rin palang ito, naranasan ko ang greatest frustration ng college life ko. Yun yung newsletter namin, na nagkataong kompetisyon pala. Sobrang hina rin kasi ng pundasyon ko sa aspetong yun pero masaya dahil pinagkatiwalaan ako ng mga kaklase ko. Masakit lang kasi alam ko, I failed them, at hanggang sa mga sumunod na taon eh dala ko yung bigat ng pakiramdam na yun. Di na bale yung sobrang babang grade ko kay Sir Mabahague, ang mas masakit yung feeling na di ko napagtagumpayan yung trabahong ipinagkatiwala sa akin. Pero sa bandang huli, marami din akong natutunan at nagamit ko naman yun sa mga sumunod pang requirements sa klase. Ayan, yung order ko sa lovelite nakahanda. Ready na yung number ko e, kaso nung tinawag ni Ate, hindi pala aking order yun kundi si Kuya na katabi ko. Psh. Tagal ko nag-intay e, tapos di pa rin akin. Kung sabagay, di ko naman makakain yun kasi walang gravy, kulang. Di pa ko handang tanggapin na tapos na nung ikalawang taon ko, dahil sobrang kulang pa. So nag-follow up na ko.

Siguro yung third year yung turning point ng lahat. Medyo lumawak yung circle of friends ko nun. Naging class president kasi ako, and for the record, ang natatanging palaging galit, at masungit na presidente. Pero sa kabila nun, naaalala ko na sobrang saya nun. Mula sa pangongolekta ng 1×1 na halos lahat mabilis magpasa, hanggang sa presentation sa Journsoc GA. Tapos syempre, yung team building namin nung sembreak kasi first time namin nag-organize nun. Ang galing ni Franz e, naisip nya pa yun. Kahit sobrang nakakapagod maghanda, worth it kasi lahat nag-enjoy. Teka, bago ko makalimutan, hinahanda na ni ate sa lovelite yung order ko. Nakasalang na lahat ng ulam ko, pati yung java rice ko, ready na. Ayan, so balik nga sa team building. Akala ko di na matutuloy yun kasi ang lakas ng ulan, pero ang galing, natuloy. Pagod at puyat man, sobrang saya kasi alam kong masaya rin sila. Kitang-kita sa mga status nila. Sobrang nakakataba ng puso. Saka ang epic kasi ni Inna, grabe di ako maka-move on. Para mas nakaramdam ako ng attachment na sobra sa kanila dahil sa pagtatanggol ni Inna kay Mir. Ay wagi talaga! Tapos yun, basta masaya tong taon na to e. Nakaka-stress lalo nung second sem. Saka nakilala rin namin si Sir Jere, na grabe, sobrang bait nya sa klase namin. Ang ganda nga nung gift namin sa kanya, yung giant card na twitter-inspired, na ginawa ni Aze, at syemps ang parker pen with J.Opiniano. Bukod sa cake para kay Sir Tobias, wala kaming prof na nabigyan ng regalo. Evuuuur! 🙂 Anyway, ang sakit sa puso nung last sem namin e. Pero dahil sa dami ng ginagawa nauso na yung mga overnights (hello, overnight buddies) at naging intense ang closeness ko sa thesismates ko. Panalo. 😛 Kahit may taasan ng boses moments kami, masaya pa rin kasi walang matinding away. :)) Haha. Galing. Jackpot na naman ako sa aspetong ito. Nitong taong to pala pumasok ang biggest controversy of the century. Hahah. Basta may nag-away, at nakatagpo ako ng mga bagong close friends. Although wala akong kinampihan ng sagad sa kanila (alam mo yan, Ardi), sobrang nakaramdam ako ng involvement. Ito ba naman kasing si Aze, dahil daw presidente ako, mag-meddle daw ako. Ayan na-attach ako. Itong away na ito, yun yung konting tusta sa itlog na niluluto ni Ate. Kahit di perfect, it makes my egg complete. (Shet. Ano daw?)

Patapos na ihanda ang combo meal two ko. Eto na yung senior year namin. Feeling ko ang ikli na masyado eh. Kumbaga finishing touches na lang ng order ko. Pero hindi pala. Medyo naging heavy ang 1st sem namin dahil sa requirements. Daming away, daming tampuhan, ang daming sama ng loob na lumalabas lang sa overnights. Intense na ang overnights namin dahil sa mga radio stations na pinakikinggan namin. Grabe. Ayoko na i-spill. Nakakahiya. Hahahaha. Pero siguro ang pinakamasaya nun eh yung halos lahat ng kaklase mo, well actually lahat pala, nakakasama mo na, nakakausap, at nakakahalubilo. Hindi lang basta dahil magka-group kayo kundi dahil magka-klase kayo sa loob ng apat na taon, at magkaibigan kayo. Di ko akalain na lahat sila pwede kong biruin, asarin, batiin ng “good morning”, at makipagtawanan sa kanila. Akala ko ang circle of life ko sa college eh yung circle of friends ko lang. Pero ultimo mga lunch time at break time, halo-halong kalamay na kami. Basta magkakasama. Basta kami-kami. Basta Jrn2. Nung patapos na ang 1st sem, tinanong ako ni ate, “may gravy ba?”, syempre meron. Aba, kulang na kulang kung wala yun. Balewala ang order ko at di pa sulit ang 45 pesos. Gravy lang naman talaga ipinunta ko dun. Hahaha. Nung sembreak, one week pa lang, nami-miss ko na sila. Di ko maipaliwanag pero na-bore ako na wala sila, na di kami nagc-cram at nagrereklamo. Kaya nga nung nag-“thesis” kami, nagbonding lang talaga kami. Nga pala, medyo bawas lang ang ligaya. Si Mae kasi kailangan na mag-Canada. Ang hirap nang wala sya. Walang pasimuno, walang maingay, walang mapera, walang Mae. Kasi kulang kami pag wala si Mae. Umalis na nga sina Jeje, Ram, Hannah, Mary Rose, at Frances, tapos pati si Mae. 😦 Hay. Malungkot pero sabi nga ni Mae, mas mahalaga yung journey, hindi yung finish line. Kaya tuloy pa rin kami, at ang lahat ng ginagawa namin, isinasama namin si Mae. Mapa-1st day, mapa-retreat, mapa-party. Masaya rin nito kasi okay na sina Ardi at ang kanyang mga nakatampuhan. At lalo naman nung retreat. Nakwento ko na e. Ayoko na ulitin, pero sobrang unique at saya ng experience na yun. Sobrang sulit ang 3 days. Tapos ayan, cramming na para sa thesis at sa party. Nagplano na rin kami ng team building, although hindi kasing intense nung una dahil UST lang ang venue namin. At kung nung 3rd year, si Jeje ang guest of honor, ngayon nagbalik naman si Kuya Ram. Edi hyper na naman kami. At eto na iplinastik na ni Ate yung order ko. Take-out kasi, at dahil bawal ang styro sa AB, kailangan itago muna namin sa mahiwagang bag ni Gel para makalusot. TB/PARTY/PASKUHAAAN. Di ko alam kung bakit pero sa kalagitnaan ng isang kanta, umiyak si Ces, umiyak si Alex. Basta nag-iyakan na lang bigla. At nung moment na yun, ramdam ko ang attachment ko sa kanila. Sobrang naramdaman ko kung gaano ako kaswerte hindi lang dahil sa barkada ko, kundi dahil sa block ko. Sobrang saya nila kasama, sobrang mahal ko sila kahit minsan ang sakit nila sa ulo. Best paskuhan evuuuur, sabi nga ni Franz. Totoo, di ko alam kung pano, pero the best tong araw na to. Year-ender bonding. Panalo, wagi, jackpoooot! :-))

Nagpunta na kami sa room. Nakatakas ang styro at ready to eat na. Akala mo sa Lovelite lang kami bumili pero hindi. May nag-jollibee, may nagkwek-kwek at banana cue, merong may baon, merong nag-Wendy’s. Pero ang pinakamahalaga sa lahat, magkakasama kaming kakain. Oo, hindi lahat, pero karamihan. At it represents the whole, kasi parang isa lang kami, kahit may kanya-kanyang barkada at circle of friends, iisa pa rin kami. Walang logic, pero may puso. PUSO.

Grabe. Ngayon ko lang na-realize kung bakit ganitong katindi ang attachment ko sa kanila. Bagama’t nung Grade 1-Grade 6, magkakasama na kami ng mga kaklase ko, di pa naman pala malalim ang mga pinagdadaanan namin. Kiddy life, kiddy problems, kiddy bonding. Nung high school, dahil every year eh nagre-reshuffle kami, bukod sa top 4, eh wala naman talagang forever naging kasama. Iba pala yung intensity kapag apat na taon kasama mo sa away, at saya. Yung tipong pagka-enroll mo, alam mo na kung sino yung makakasama mo. Hindi mo pwedeng takasan kung anong problema yung naiwan mo nung nakaraang taon, o kung sino man yung kaklaseng nakaalitan mo. Kasi sa bandang huli, kami-kami pa rin yung magkakasama. Hanggang makalabas kami sa arch, at maka-martsa kami sa bagong gym, magkakasama kami. Dahil sa apat na taon na yun, pare-pareho kaming tumawa, umiyak, nagdusa, nagdiwang. Sama-sama kaming naglakbay tungo sa aming kapalaran. At sa nalalabing ilang buwan namin bilang kolehiyo, alam na kung ano ang gagawin namin. Siyempre oorder ulit sa Jollibee, Wendy’s, at Lovelite, at kakain ng sama-sama. Habang buhay ako magpapasalamat dahil sa loob ng apat na taon, nakatagpo ako ng pangalawang pamilya sa katauhan ng mga kaklase-turned-kaibigan ko sa katauhan ng Journ2. Grabe guys. You’re one-of-a-kind. Alam ko lahat ng section, ibang degree ang closeness. Katulad rin natin sila. Pero wag na kayo magkumpara, dahil ang mahalaga naman tayo, tayo na nabuo ng apat na taong joys and pains, at tayo na sabay-sabay nag-learn at nag-grow. Love you forevs, guys. Happy Holidays! 🙂

Advertisements

One Comment Add yours

  1. sheeatslikeaboy says:

    “Ayos lang, basta’t kasama
    Konting alak lang, Kahit walang pulutan
    Ang minsan, naaalala
    Di magtatagal, tayo ay liligaya”

    May 3 months pa. Lez make everything special ❤

Thanks for reading! Let me know what you think. :)

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s